Maligayang Araw ng Kalayaan!
Iba iba ang pananaw natin sa Kalayaan.
Sa mga pagkakataong ganito,
ang kalayaan mo ba ay para sa bayan,
para sa pamilya, o para sa sarili mo?
Ang watawat ng Bayan Ko
ay nakalagay sa aking sasakyan noon pang nakaraang limang taon, kung saan ito ay pinapalitan kapag ito ay nawalan na ng kulay. Winawagayway din ng hangin ang bandila ng Lupang Hinirang sa harapan ng aking kanlungan. Upang maipaalala sa isipan ko na iisa lang ang Bayan ko. Na ako ay isang Pilipino. Ang maipaalala sa akin ang mga pagsunod sa mga alintuntunin ng bansang ito na sa palagay ng tibok ng puso ko ay tama, mabuti, makatao, makabayan, at makaDiyos.
Ang paglilingkod sa kapwa Pilipino ay ang piniling gawin sa abot mg makakaya. Ang pagtulong na galing sa kaibuturan ng puso. Ang tunay na pagmamalasakit. Ang pagkalinga sa kapwa. Ang pagsambit ng mga salitang nagsasaad ng paggalang sa pagkatao. Ang aking paniniwala sa pagiging tunay na Pilipino.
Dahil ang pang-aapi, paglilinlang, at pagkitil ng kabutihan at ikabubuti ng kapwa Pilipino ay ang pinakamasamang magagawa ng isang sinasabing kababayan.
Tayong mga Pilipino lamang ang makakapag-angat ng ating pagiging Pilipino. Gaya ng ginawa na ng iba kung saan tayo ay umani ng mataas na pagtingin sa buong mundo dahil sa karangalang nakamit ng ating kapwa Pilipino.
Nawa'y maging malaya ka.
Malayang gawin ang nais mo at hindi kung ano ang idinikta lamang sa iyong kaisipan. Dahil ikaw ay nilikha na may tapang at talino. Dahil ikaw ay nilikha na may puso.
Naisin mong maging malaya, para sa iyong sarili, para sa iyong pamilya. Dahil ang malayang kaisipan at kaluluwa lamang ang makakapagbigay sa iyong katawan ng kalusugan. Sa iyong isipan ng kapayapaan. Sa iyong puso ng tunay na kalayaan.
Huminga ka ng tama. Para sa tama.
Mag-isip ka ng para sa iyong ikauunlad, hindi ng iba.
Magbigay ka ng malaya.
Umibig ka ng malaya.
Ibigin mo kung sino ka at gawin mo ang iyong saysay ng buong puso.
Nang may dangal.
Mag-isip ka ng para sa iyong ikauunlad, hindi ng iba.
Magbigay ka ng malaya.
Umibig ka ng malaya.
Ibigin mo kung sino ka at gawin mo ang iyong saysay ng buong puso.
Nang may dangal.
Palayain mo ang iyong sarili.
Sa anumang kumikitil. Sa sinoman.
Maging malaya ka, aking kapwa Pilipino.
Sa anumang kumikitil. Sa sinoman.
Maging malaya ka, aking kapwa Pilipino.
No comments:
Post a Comment